Nagmamay-ari ng isang tricycle ang pamilya namin. At iyon ang ginagamit ng aking ama para magkaroon ng kitang pangtustos sa mga pang araw araw na pangangailangan ng aming pamilya mula sa pagkain hanggang sa pambaon sa eskwelahan. At sa tricycle na ito rin kami sumasakay na magkakapatid kapag isinasabay kami palabas ni papa, papasok sa aming eskwela.
Paborito ko ang sumakay sa bakrayd. Mas maaliwalas kasi. Mas madaling sumampa at bumaba rito. Mas maraming nakikita. At sa tuwing nakasakay ako sa bakrayd ng tricycle, doon lamang kami nakakapag-usap ng papa ko.
Mayroong disadvantages ang pagsakay sa bakrayd. Kadalasan ay absorb mo ang lahat ng usok at alikabok ng kalsada. Nakakabingi rin na marinig ang ugong ng lahat ng kasunod at nakakasalubong mong sasakyan. At sa tuwing maulan ay prone tayo na matalsikan ng putik kapag may nag-overtake na sasakyan. Maraming beses na sa akin nangyari yan sa tuwing nakasakay ako sa bakrayd.
Pero sa kabila ng lahat, hindi pa rin ako natitigil sa pagsakay sa bakrayd. Maaring kakaiba ito subalit, sa tuwing nakasakay ako roon habang nakakapit ang kamay sa kapirasong bakal upang hindi mahulog at naaalog sa pagdaan sa mga lubak ng kalsada ay tila mas nagiging bukas ang aking isipan sa kapaligiran at sa aking lipunan. Mas nakikita ko ng malinaw ang paligid na di ko naman pansin dati. At mas nagiging alerto rin ang tenga ko sa pakikinig sa paligid.
Tulad na lamang noong minsang papauwi na ako at naisipang sumakay sa bakrayd ng papa ko at samahan siyang mamasada. Nakakaaliw din sumabay sa kaniya. Naiikot ko kasi ang mga lugar sa barangay namin na di ko pa napupuntahan. At habang nasa bakrayd, kitang kita ko ang buong paligid, madilim man ang gabi.
Kita ko ang mga kapwa tricycle driver ng papa—ang kanilang pawisang mukha na may bahid ng pag-aalala. Maaaring tumatakbo sa isip nila na ‘gabi na pero kulang pa rin ang kitang pang-boundary nila.’ Sa kabila ng entertainment na hatid ng isang lumang TV na nakakabit sa walang bubungan nilang pilahan ay bakas pa rin ang pagka-di mapakali nila. Pinagpala na rin ang pamilya namin dahil sarili namin ang tricycle. Di kailangang mag-alala ng papa ko sa pang-boundary sa operator dahil sariling ari niya ang sasakyan. Kaya naman para sa mga driver na iyon, nakaramdam ako ng simpatya. Bigla ko na lang tuloy naipagdasal na sana biglang bumuhos ang pasahero sa lugar namin at matulad ang pila sa terminal na iyon sa pila ng mga tao sa MRT North Ave. Station.
Ilang minuto ang nakalipas, kami na ang nasa unahan ng pila ng tricycle at ang susunod na pasahero ay sa amin na. Nataon na ang sumakay ay taga-faustina. Narinig ko ang papa ko na bumulong ng "AYOS". Ayos nga naman dahil 25 pesos din ang pasaherong iyon. Para sa mga tulad ni papa na driver ng byaheng tinatawag na ESPESYAL o iyong naghahatid hanggang sa doorstep ng bahay mo, ang 25 peso-passenger ay katumbas na rin ng langit. Samantalang ang pasaherong sa malapitan lamang inihahatid ay pinakaiiwasan. Universal yan dito sa lugar namin dahil kapag ako rin ang pasahero (byaheng 25 pesos din ako dahil dulo na ng mundo ang bahay namin), nakikita kong kumikislap ang mata ng mga driver- mas makinang pa sa pinaka-makinang na ilaw sa Maynila.
Dalawampu’t limang piso. Sa apat na pasaherong magbabayad ng 25pesos, magkakagarantiya ka ng isang daan. Kung sakaling kada oras ay isang pasahero, apat na oras pang pagbababad sa ilalim ng araw at pagligo sa usok ang bubunuin mo makabuo lamang ng isandaang piso.
Nang maghatid kami sa faustina, doon kami napadpad sa malubak na bahagi. Sige. Ayos lang. Sanay na kami sa lugar namin na ang mga kalsadang ayos pa naman ay sinisira na para ayusin muli. Dagdag budget mula sa gubyerno. Pero hindi naman natatapos ang mga nasabing proyekto. Naiiwan itong nakatiwangwang-- ang lupa, lubak at walang pag-asa.
Nagbayad ang pasahero—24 pesos. Short pa ng piso. Narinig kong napabuntung-hininga ang papa ko. Pero wala naman daw barya yung pasahero. Limandaang piso na lamang ang mayroon siya. May magagawa pa ba kami kundi magparaya.
Nang papalabas na kami ng lugar na iyon ay nasalubong namin si Bay. Isa siyang tindero ng balut. At siya ang suki ng aming pamilya kapag bumibili kami ng balut. Nang makilala niya kami ay nagtanong siya kung bibili ba kami. Ngumiti ang papa sabay sabing, ‘Hindi muna, bay. Wala pang ekstra eh.’ Gusto ko man din sanang kumain ng balut nang gabing iyon ay hindi na rin ako nagpumilit. Kulang pa kasi ng dalawang daan ang minimum na kita ni papa para may ipamasahe ako sa eskwela bukas. Mukhang nalungkot si Bay. May pamilya rin siya. Marahil may mga anak na hinahabol din niya sa kita niya ang pamasahe sa eskwela.
Siguro naramdaman din ni papa na gusto kong kumain ng balut dahil halos isang taon na rin siguro kaming hindi nakakakain nun kung kaya't nag-offer siya na bilhan ako ng paborito kong Angel's Burger na Buy1 Take1 kung makakakuha kami ng pasahero palabas.
Bingo! Meron nga! Dalawang pasahero. Disi-sais pesos. Otso kada tao. May pang- Angel's na ko. Pero ayoko. Nawalan ako ng gana dahil pandagdag din yun sa kita ng papa ko.
Sa patuloy naming paglalakbay pabalik ng terminal ng mga tricycle, nakita namin si Masong. Tricycle driver na nagpapautang din. Kadalasan ay sa kaniya isinasangla ni papa ang tricycle namin kapag walang wala na kami. Nakita ko rin ang pamilya 'LUGAW'. Tinawag ko na silang pamilya lugaw dahil buong pamilya sila sa maliit na kariton ng lugawan nila na sama-samang nagtitinda sa may gilid ng terminal. Tuwing gabi lamang sila lumalabas. Hinuhuli yata sila kapag naroon sila sa umaga. Pero patuloy pa rin para makakuha ng kahit kaunting panustos sa mga kumakalam na sikmura.
Kauting lingon ay nariyan ang mga nagtitinda ng bulaklak sa tapat ng sementeryo. Maya't mayang basa ang kalsada sa tapat nila dahil maya't maya din sila makadilig ng bulaklak. Bawal malanta dahil hindi mabebenta ang mga nasabing bulaklak. At kada bulaklak, pang tugon na sa bayad ng renta sa pwesto ng tindahan nila.
Maliban sa mga kapwa drivers, sa mga naglalako ng panindang di lamang balut kundi maging saging, gulay at prutas, ay ang mga kainang nagsusulputan tuwing oras ng uwian ng mga mag-aaral ng paaralang malapit sa terminal, at ang mga barker na tumutulong sa pagtatawag ng pasahero sa kalapit na sakayan ng fx at jeep, ang mga nagtitinda ng bulaklak sa harapan ng sementeryo at sampaguita sa kalapit namang simbahan—lahat ng mga ito ay malinaw kong nakikita habang nakaupo sa bakrayd.
Bawat isa ay nagsisikap. Bawat isa ay naghihirap. Bawat isa ay nagpapagod ng katawan para makamtan lamang ang gusto nilang kaginhawaan. Di maalis ang hirap na dinaranas. Lalo na sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa, ng kalagayan ng kahirapan, walang sapat na bakanteng trabaho at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Lahat sila—sa isang banda—ay naniniwalang sa pagsisikap na ito makakamit din ang totoong tagumpay. Lahat sila ay nainiwalang sa pagsisikap ay kaya pang labanan maski paunti-unti lamang ang hirap ng buhay sa bansang ito. Marahil ay di sila nangangarap pa na maging milyonaryo pero nangangarap sila na bukas may mailaman sa sikmura, may maipamasahe sa eskwela at may masilayan pa muling pag-asa.
Ang sabi ng papa ko, mas mainam nang mag-umpisa sa hirap dahil mas masarap namnamin ang tagumpay na kasunod nito kung sanay ka sa pagod, hirap at tiyaga. Sa tingin ko, tama nga rin siya.
Dahil naniniwala ako na sa huli, bawat butil ng pawis, bawat sakit ng kalamnan ay may premyo. Sa bandang huli, bawat taong nagsisikap ay magiging masaya rin. Tulad na lamang ng mga magsasaka natin na patuloy na nagkakandakuba sa pagtatanim. Ano ang napala nila? Isang tagumpay dahil tumaas na ng 17 Pesos kada kilo ang palay mula sa dating 11 Pesos. TAGUMPAY! Konting tiyaga pa. Konting sikap. Ano’ng malay natin at mas tumaas pa iyan?
Kaya ako ay nagsisikap din. Sa sarili kong paraan. At habang narito ako ngayon sa bakrayd ng tricycle ng papa ko, humingi ako ng tulong sa Diyos na bigyan ako ng sapat na lakas ng loob tulad ng lakas ng loob na mayroon sila para magawa kong makamtan ang totoong tagumpay. At di na lang para sa akin. Para na rin sa iba pang nagsisikap at ninanais din ang tagumpay sa buhay.
Sinabi rin naman sa Bibliya. ‘You shall reap what you sow.’ Kung magtatanim ka ng kabutihan, kabutihan ang aanihin mo. Totoo. Dahil kung bayabas ang itinanim mo, alangan namang mais ang maging bunga. Kung kaya't Magtatanim ako ng pagsisikap, at pagtitiyaga. At naniniwala ako na aani rin ako ng tagumpay.