Isa akong Kwentista.
Nakakatuwang isipin na madalas kong tawagin ang sarili ko ngayon na isang Kwentista. Dati-rati, ayaw na ayaw kong sinasabi na isa akong manunulat pero nakapagtataka na kahit anong gawin ko ay palagi akong tinatawag ng sakit kong ito. Nitong mga nakaraang araw nga ay marami akong nakikilala na natagpuan nila ang kasiyahan ng pagsusulat. Tulad din ng natagpuan kong kasiyahan nang matuklasan ko na masaya pala magsabi ng gusto mong sabihin, hindi sa pamamagitan ng pagsasalita kundi sa pamamagitan ng pagsusulat. Kaya masaya ako na nagsusulat na sila ngayon. Hindi man award-winning kundi katanggap tanggap sa lipunan. Sana ay ipagpatuloy nila iyon.
Ang sabi ng isang kasabihan, ang taong hindi marunong tumingin sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan. Naniniwala ako sa kasabihang ito. Dahil sa ayaw kong maligaw sa pupuntahan ko, lilingon muli ako sa pinanggalingan ko. Dahil papunta ako ng Pureza ngayon, lilingon ako sa Cubao.
Hindi ko alam na nakatakda pala ang araw na magsusulat ako ng mga bagay na pwedeng basahin at maintindihan ng kapwa ko tao. Nag-umpisa kasi ito noong grade 5 ako. Nabasa ko kasi yung fairytale na Cinderella at naasar ako sa pagkakagawa ng writer non. Pakiramdam ko kasi ay hindi deserving na isang simpleng alipin lang si Cinderella na dumating bigla sa ball pagkatapos pagtripan ng Ninang niyang engkantada. Kaya ang ginawa ko, nag-imagine ako ng mga bagay na dapat nangyari sa kwento. Tulad ng dapat, salbahe yung Prinsipe at si Cinderella ang magpapabago sa buhay niya. Dapat din hindi agad nahanap nung Prinsipe yung may-ari ng sapatos na natanggal. Parang easy-to-get kasi ang dating ni Cinderella pag ganun. Dapat nagpakipot muna siya ng konti tapos aalis na daw yung Prinsipe na bigo dahil hindi niya nahanap yung may-ari ng sapatos saka magpapakita ulit yung maligno (este, engkantada pala) na ninang ni Cinderella tapos sasabihin niya sa Prinsipe yung nangyari. Oh, di ba? Mas detalyado.
Nung ikwento ko ito sa katabi ko, naasar siya sa akin. Napagalitan kasi kami ng teacher namin sa Hekasi. (Hanggang ngayon, tandang-tanda ko pa ang pangalan niya. Si Ma’am Faigmani. Nung itanong ko sa kapatid ko kung nandun pa sa school ko yung teacher na iyon sabi niya nandun pa. Napaisip tuloy ako kung nanenermon pa rin siya ng estudyanteng binabago ang kwento ni Cinderella.) Kaya ang ginawa niya, binigay niya sa akin yung hiningi niyang yellow pad sa first honor namin. Gagawin niya dapat eroplano yun eh pero binigay niya na lang sa akin. Sabi niya isulat ko na lang daw yung mga gusto kong baguhin sa Cinderella. Ginawa ko nga at sa totoo lang, kahit na hindi naiintindihan ang sulat-kamay ko, napatunayan ko naman na mas masarap magsulat ng mga bagay na galing sa utak mo kaysa sa mga dates kung kailan nabuhay at namatay si Magellan na madalas ipakopya sa amin ni Ma’am Faigmani.
Pagkatapos ng isang revision ng Cinderella hindi na ulit ako nagsulat ng makapagbagbag damdaming kwento maliban sa mga formal theme writing na madalas kailangan naming isulat para sa English subject namin. Hindi pa rin ako nagkaroon ng premonition na magiging Kwentista ako tuwing nakakakuha ako ng second to the highest score sa mga theme writing namin (first yung naging elementary valedictorian namin. Hindi yata utak ang utak nun eh. Processor yata). Minsan nga tinanong niya ako kung bakit hindi daw ako sumali sa Journalism. Aba, malay ko ba na may Journalism pala sa mundo! Nung mga panahong iyon kasi ay pagde-daydreaming lang ang alam kong gawin.
Nung grade six ako, personal akong inimbitahan ng Journalism teacher namin na sumali sa Journalism Club. Iyon ang kauna-unahang club na nasalihan ko sa buong buhay ko. Gusto ko sanang maging news writer noon dahil mahilig akong magbasa ng dyaryo. Kaya lang yung crush ng first honor namin yung naging news writer eh. Ayon, naging Copyreader and Headline writer tuloy ako. Pero ayos lang sa akin. Nalaman ko kasi na mas essential pala na maging Copyreader ako kung gusto ko ng mataas-taas na lugar sa Editorial Board ng Blue Horizon, ang newspaper namin, ang pangalan ko. Iyon ang masasabi kong umpisa ng professional career ko bilang Kwentista.
Nung grade six din ako nahilig sa pagbabasa ng pocketbook. Yung tita ko kasing ulyanin ang may kasalanan. Tama bang iwanan ang pocketbook niya sa kwarto ko na ginamit niya nang magbakasyon siya dito sa Maynila? Nung mga panahong iyon pa naman uso ang pagbabawal ng pocketbook sa mga bata. Hindi ko naman kasi alam na yun na pala ang tinatawag na pocketbook. Na-engganyo lang ako magbasa kasi hindi pa ako nakapagbasa ng mga babasahin maliban sa dyaryo na Abante at mga libro sa school. Akalain mong hindi naman pala immoral ang pocketbook. Iyon nga lang, mas lumala yung daydreaming ko. Eh isang araw, nasobrahan ako sa daydreaming.
Ayon, habang nag-eexplain ng Do-Re-Mi yung teacher ko sa Music, kinuha ko yung notebook ko na hindi ko sinusulatan kasi sobra lang yun nung binili ng Nanay ko. (Hindi ko na lang binalik sa kaniya kasi nga baka kailanganin ko). Matagal ko nang iniisip kung ano ang silbi ng notebook na yun eh. Iyon lang pala. Sa sobrang nag-uumapaw na imahinasyong mayroon ako nung mga oras na iyon, isinulat ko iyon sa notebook. Pakiramdam ko kasi sasabog ang bungo ko kapag hindi ko isinulat iyon. At doon nag-umpisa ang hobby ko na maging Kwentista.
Pero sa kabila nang mga iyon, hindi ko pa rin ma-imagine nung mga panahong iyon na magiging kwentista ako. Iba kasi ang pangarap ko noon. Pangarap ko maging tutubi. Sa ano’ng dahilan, nakalimutan ko na. Nabasa ko lang sa luma kong Slum Book na pangarap ko palang maging tutubi noon.
Naging buo lang sa isip ko na wag alisin sa pagkatao ko maging kwentista nung minsang may ipinasulat sa amin. Graduation na kasi noon at walang magawa yung adviser namin. Eh ang sabi ng principal, magra-round daw siya sa mga classroom para makita kung maayos daw ba magturo ang mga guro doon. Kaya pinasulat niya kami ng essay. (Math Teacher namin siya pero nagshift siya ng araw na iyon sa English para masabi lang ng principal na masipag ang section 1 kahit na nga puro honors lang ang talagang masisipag). Ang theme ng essay namin ay ito “Parting is such sweet sorrow”. Nakatakip pa ng folder yung sinusulat ko kasi nung nasilip ko yung sa first honor namin, ang lalim ng English words niya. Nahiya tuloy ako kasi baka pag nakita ng principal yung gawa ko palabasin lang niya ako ng classroom. Eh hindi ko alam binabasa pala ng adviser namin yung ginawa ko mula sa likuran.
Kaya ang ending, nagkamedal ako! Best in Essay Writing! Ha!
Nung highschool ako, naging isa akong celebrity sa room. Umpisa pa lang kasi ng klase, nagpasulat na agad ng essay yung teacher namin sa Values Education. E gusto niya English yung essay. Sa essay na iyon ay sasabihin namin kung ano ang inaasahan namin sa highschool. Pagkatapos kong manghingi sa katabi ko ng intermediate pad, nag-umpisa na akong magsulat. Sinabi ko lang ang totoo at hindi ako nagsinungaling. Medyo hasa na rin ako sa English nung mga panahong iyon kasi yung isang pastor namin, tinuruan ako ng subject and verb agreement nung bakasyon. Nagbible study kasi siya sa bahay namin. Eh nagpi-feeling ako nun. Mali mali pala yung grammage ko kaya tinuruan niya ako. English teacher kasi siya sa isang public high school. Ang galing noh? After 30 minutes, natapos ko na ang essay ko. Humble pa ako nun kasi ang bagal ko magsulat dahil pangit nga ang sulat-kamay ko. Ayaw ko namang matapon sa basurahan nang hindi pa nababasa ang essay ko. Pinaghirapan ko yata iyon at unfair kung itatapon lang yun noh! Nang matapos ako ay natulog at naidlip ako. Maya-maya, naririnig ko yung mga katabi ko na nagbubulungan. Hindi ko muna sila pinansin. Baka kasi nagtatanungan lang sila kung ano ang English ng ganito ganiyan. Kaya lang, hindi ako nakatiis nung marinig ko yung pangalan ko na na-mispronounced pa nung isa. Nung tinanong ko sila kung bakit, ganito ang words nila, “Tapos ka na?” tumango naman ako. “Ang galing mo naman!” Grabe. First time kong mapuri ng mga strangers.
Nung second year naman ako ay nasubok ako sa pagsusulat ng script! Favorite ako ng teacher namin sa Filipino nun kasi ako lang ang matiyagang nakikinig kapag nagkukuwento siya tungkol sa Teatro. Para kasing isang tahanan sa tulad kong kwentista ang Teatro. Magkakaroon ng haligi at bubong na masisilungan ang mga salitang akala ko ay sa papel lang mamumuhay at mabubulok. Hindi pala. Ginamit namin sa project ang mga script na pinagpuyatan kong isulat.
Nung third year high school ako nag-umpisa ang pinakaprofessional na antas ng pagsusulat ko. Naging Managing Editor kasi ako ng school paper namin. Sa kasaysayan ng school paper namin, ako ang kauna-unahang third year na naging Managing Editor. (Imbento ko lang yan kaya wag kang maniwala). Ang saya saya ko nun dahil sa wakas ay hindi na ang teddy bear ko ang tanging magbabasa ng mga bagay na gusto kong isulat. Mababasa na rin iyon ng mga may puso upang magbasa. Hanggang sa tumuntong ako ng ikaapat na taon, naging EIC ako. Iyon na yata ang pinakamasayang araw sa buhay ko. Sa isang mataas na antas, maaari ko nang sabihin ang dapat at gusto kong sabihin nang hindi nalilimitahan ang mga salita ko. Pero ang pagiging EIC rin ang nagbigay sa akin ng katotohanan tungkol sa pagsusulat. Dito ko nalaman na gusto ko ang pagsusulat. Isa akong kwentista at bahagi iyon ng pagkatao na hindi ko matatanggap na mawala sa akin. Pero ayoko maging kwentista na pinapakilos lang ng due date, tension, pressure at standards. Gusto kong maging kwentista na nagsusulat kung gusto ko at natutulog kung nais ko. Isang kwentista na may layang magsulat ng mga bagay na nais kong isulat.
Kaya nung magcollege ako, hindi Journalism ang pinilahan ko kundi Broadcom. Sa dahilang hindi ko alam. Basta ang alam ko, nalilimitahan ang kakayahan kong maging isang kwentista kung magiging isang Journalist ako. Hindi lang naman kasi Social Reality ang pwede kong gawan ng mga salita. Marami pang iba tulad ng pag-ibig, pagkakaibigan, pag-aaral. Ayoko ng may nagmamando ng dapat kong isulat. Paano kung hindi naman pala iyon ang nais kong sabihin? Magiging isang malaking kalokohan na lang ang pagsusulat pag ganun.
Isa akong Kwentista.
Sa ngayon, nagsusulat muli ako. Walang nag-utos sa akin na gawin ito maliban sa sarili ko. Pinili kong magsulat ngayon at maaaring bukas ay ang panonood naman ng Pokemon ang piliin kong gawin. Sa kasalukuyan, nakapagtapos na ako ng Tatlong maiiksing kwento na mga kaibigan (BCR) ko lamang ang nagbasa. Kuntento na ako sa ganun dahil ang mga kaibigan kahit gaano pa kapangit ang sulat ko ay hindi nila maaatim na huwag sabihing “Maganda siya…” Nagpapasalamat ako sa pagsisinungaling nilang iyon dahil iyon ang nagbibigay sa akin ng kagustuhan na sumulat muli. Sila kasi ang tinuturing kong reward sa pagsusulat. Dahil kahit naman walang magbasa ng mga nais kong isulat, magsusulat pa rin ako. Pero para magkaroon ng taong magsasabi sa’yo na nakakakilig ang sinulat mo (kahit nakakatakot iyon) o kaya naman ay nakakatakot ang sinulat mo (kahit nakakatawa iyon) ay tila katumbas ng Best in Essay Writing na matatanggap mo at hindi kailanman natanggap ng Valedictorian niyo.
Kung papipiliin ako ng Dyos, ang pagsusulat ang isa sa mga bagay na hihilingin kong isama niya sa akin sa kabilang buhay pagpanaw ko.
Isa akong Kwentista.
Ngayong alam mo na na isa akong kwentista, nais ko nang magpasalamat sa mga taong naging dahilan ng pagiging kwentista ko. Una, si Eunice. Siya ang nagpabasa sa akin ng Cinderella. Siya ang nag-umpisa ng lahat kaya ganito ako ngayon kaya siya ang sisishin niyo. Si Karl Kalabaw na naasar sa akin dahil napagalitan kami ni Ma’am Faigmani at ang nagbigay sa akin ng yellow pad na gagawin sana niyang eroplano. Si Jose, ang first honor namin na unang nagsuggest sa akin na gawing career ang pagsusulat. Si Ma’am Villasoto na personal na nag-imbita sa akin na maging parte ng Journalism Club. Sa tiyahin ko na nag-iwan ng pocketbook niya sa kwarto ko. Sa Adviser namin na binigyan ako ng Best in Essay Writing na medal. Sa kaklase ko na nagsabi sa akin na “Ang galing…” nung unang taon ko sa highschool. Sorry na rin sa kaniya kasi hindi ko matandaan kung sino siya. Half crazy kasi ako noon. Sa teacher namin sa Filipino na favorite ako na iniyakan ko nung nagresign siya sa school. Sa adviser ng school paper namin na nagtiwala sa kakayahan ko at kahit baguhan ako ay ginawa akong Managing Editor na naging sanhi ng aking pagiging EIC. Sa mga kaibigan ko na palaging sinasabi na “maganda siya…” kapag tinatanong ko tungkol sa kung ano ang masasabi nila sa isinulat ko. At higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Diyos. Sa dinami-dami naman kasi na taong mapipili niya upang bigyan ng kagustuhan na makapagsulat ay sa akin niya iyon ibinigay. Sa akin na ni sa hinagap ay hindi ko inakalang magiging isang kwentista. Sa akin na ni hindi nga man lang nakahanap ng kasiyahan sa pagbabasa noong bata pa dahil adik sa telebisyon. Patunay na hindi ako pinanganak na kwentista ngunit itinakda akong maging ganito.
Isa akong Kwentista.
Ngayong papalapit na ako sa Pureza ay nangawit na rin akong lumingon sa Cubao. Malayo pala talaga ang agwat nila. Gaya ng layo ng agwat nang nag-uumpisa palang akong magsulat at ngayong kahit paano ay natuto na ako. Kasing layo ng agwat nang una kong nakita ang kasiyahan ng pagsusulat ngayong nadarama ko na ito. Pareho nang layo ng una akong makatanggap ng medalya ngayong nakakatangap na ako ng fan mails (Ilusyon!) Pasensiya na. Ilusyonada talaga ako. Pero kahit nangawit na akong lumingon, baka bukas subukan kong gawin itong muli.
Sa huling pagkakataon ay magpapasalamat ako sa mga taong nagbabasa at patuloy na magbabasa pa ng mga sinusulat ko. (Salamat sa Diyos at ginagamit niya kayo) Katumbas kayo ng medal para sa akin. Dahil sa inyo, nagkaroon ng saysay ang mga salitang ito. “Isa akong Kwentista”.
No comments:
Post a Comment